Pangangaliwa, maituturing na 'psychological violence' - Korte Suprema

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2020 10:18 AM | Updated as of Oct 29 2020 07:58 PM

Gusali ng Supreme Court. Jonathan Cellona, ABS-CBN News 

MAYNILA (UPDATE) - Maituturing na psychological violence laban sa kababaihan ang pagkakaroon ng kabit ng mister, ayon sa ruling na kinatigan ng Supreme Court.

Kinatigan ng Korte Suprema ang ruling ng Regional Trial Court at Court of Appeals sa isang kaso, kung saan itinuturing na psychological violence ang pangangaliwa o marital infidelity na isang paglabag sa Republic Act 9262 o ang Violence Against Women and Children Act of 2004.

Pero may mga detalye na kailangang patunayan bago maipakulong ang nangangaliwang mister ng aabot sa walong taon.

Ang nangyari sa kaso, iniwan ng mister ang kaniyang misis para tumira sa Zamboanga kasama ang kabit at nagkaroon pa ng tatlong anak.

Watch more in iWantTFC

Taong 2007 nang makumpirma ng misis na nangangaliwa ang kaniyang mister kaya sinampahan niya ito ng reklamong concubinage sa pulisya pero naayos din ang kaso nang magkasundo ang dalawang kampo na hindi na makikipagkita si mister sa kaniyang kabit.

Pero makalipas lamang ang dalawang buwan, bigla na lang umanong umalis ang mister. Humingi pa ng tulong ang misis sa National Bureau of Investigation.

Nakatanggap na lamang umano ng text messages ang misis mula sa kabit na sinasabing may sakit umano ang mister at kailangan ng pera at nanakot din na papatayin niya ang asawa.

Nagsampa ng petition for habeas corpus si misis sa labis na pag-aalala sa mister pero na-dismiss ito dahil natuklasan na malayang nagsasama ang mister at kabit na may tatlong anak pa.

Dito na nagalit si misis at ipinakulong na si mister.

Watch more in iWantTFC

Pareho ang naging hatol ng regional trial court at Court of Appeals sa kaso na aabot ng walong taong pagkakakulong ang nararapat kay mister.

Ito ay matapos na mapatunayan na nagtamo ng emotional anguish o mental suffering ang misis at ito ay dahil sa pangangaliwa ni mister na may tatlong ilihitimong mga anak pa.

Ayon pa sa korte, hindi naman kinailangan na naging psychologically ill ang asawa dahil sa psychological violence na ginawa ng akusado. Sapat na nagdulot ito ng emotional anguish o mental suffering sa asawa.

Sa kasong ito, naipakita na ang pangangaliwa ni mister ang tinatawag na proximate cause ng emotional anguish o mental suffering na umabot sa punto na naapektuhan na ang kalusugan ni misis.
 
Sinubukan pang itanggi ng mister ang alegasyon pero kalauna’y umamin din siya na matagal na silang nagsasama ng kabit at alam din niya ang magiging epekto ng kaniyang pag-alis sa kaniyang misis kaya hindi tinanggap ng korte ang palusot ng mister.

Pero paalala ni dating Supreme Court spokesperson Theodore Te, kailangang tingnan ang konteksto at factual circumstances ng kaso.

At dahil division ruling pa lang ito, puwede pa itong baliktarin ng Supreme Court En Banc.

Gayunman, ikinatuwa ng isang grupo na kontra sa karahasan laban sa mga kababaihan ang naging hatol ng korte.

"It’s a step patungo doon sa direksiyon ng pagkilala. Ano ba talaga 'yung trabaho ng babae para i-maintain 'yung sense ng family, 'yung sense ng pagmamahal, 'yung sense ng complete lahat na kadalasan, siya lang ang may responsibility,” ani Sabrina Gacad, founder ng Lunas Collective.

Pero paalala ng grupo sa mga mag-asawang may pinagdadaanan na isipin ang kapakanan ng partner.

"Kahit nagbago na ang pakiramdam mo toward your partner, may responsibility ka pa rin na isipin 'yung kapakanan nila,” ani Gacad.

— Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.