Fabella Hospital hinihintay pa resulta ng swab test sa 173 health workers, pasyente

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2020 12:08 PM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Hinihintay pa ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila ang resulta ng iba pang swab test na ginawa sa mga pasyente at health worker para malaman kung may iba pang nagpositibo sa COVID-19 sa naturang ospital.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin tumatanggap ng pasyente ang ospital matapos makapagtala ng 12 empleyadong positibo sa COVID-19, karamihan ay mga OB-GYN resident o mga nagte-training na doktor.

Nasa 173 katao sa ospital ang kinuhanan ng swab samples, kung saan 90 ay health care workers at 83 naman ay mga pasyenteng nanay at sanggol.

Ayon sa pamunuan ng ospital, kung mas mababa sa 10 porsiyento ng mga na swab ang magpopositibo, muli silang magpupulong para malaman kung ito ba ay may mga cluster o mula sa ibang bahagi ng ospital.

Ito rin ang magiging basehan sa paggawa ng hakbang ng kanilang COVID-19 response team kung patuloy na isasara ang ospital o muling bubuksan sa mga pasyente.

- TeleRadyo 27 Oktubre 2020