Nanlaban: High-value drug suspect patay sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2020 06:30 AM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Dead-on-arrival sa ospital ang isang lalaking tinaguriang 'regional level high value' drug suspek sa Calabarzon matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Laguna nitong Lunes.

Ayon sa inisyal na report, nagkasa ng buy-bust operation ang iba't ibang unit ng PNP Region 4A laban sa target ng operasyon na si Adam Villanueva na notoryus umanong nagtutulak ng droga sa Calauan at San Pablo, Laguna.

Bumili ang poseur buyer ng droga sa suspek sa kanyang bahay sa Brgy. Dayap sa Calauan. Pero pagkatapos ng bentahan, nakaramdam umano ang suspek na pulis na pala ang kausap kaya't nagpaputok siya ng baril at nauwi sa enkwentro sa mga pulis.

Natamaan ng bala ang suspek at dineklarang patay sa ospital. Walang nasugatan o nasawi sa mga pulis.

Nakuha sa suspek ang kanyang baril at nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P31,000. Nasa listahan ng high value drug personality regional level ang suspek na miyembro umano ng Amante Drug Group.--Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.