Third party, dahilan ng pagpatay sa mayor ng Bien Unido?

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 12:29 PM | Updated as of Jun 09 2017 03:31 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Sinisilip ang anggulong third party sa pagkamatay ng alkalde ng Bien Unido sa Bohol na si Gisela Boniel.

"Since late last year, meron ng hindi pagkakaintindihan itong mag-asawa... mga problema sa pamilya, mga utang, at may third party na lumalabas. Ito yung sabi nu'ng board member," ani Chief Superintendent Noli Taliño, hepe ng pulisya sa Central Visayas.

"Lumalabas sa investigation natin, 'yung third party ay isang foreigner," dagdag ni Taliño.

Asawa ng alkalde, itinuturong suspek sa pagpatay

Matatandaang pangunahing suspek sa pamamaslang ang asawa mismo ng biktima na si Rey Boniel, isang board member sa naturang bayan.

Ayon sa kaibigan ng napatay na alkalde na si Angela Leyson, kasama niya ang kaibigan nang dukutin sila ng grupo ni Board Member Boniel.

"Mga six to eight people, the three people jumped unto me at tinutukan ako dito, ni-wrap ang mukha ko ng duct tape halos hindi ako makahinga, pinagtatadyakan ako hanggang hindi ako makahinga," kuwento ni Leyson.

Sa karagatan ng Isla ng Caubian sa Lapu-Lapu City umano inihulog ang bangkay ng alkalde.

Ang pinsan ng board member na si Reyolito Ethan Boniel ang sinasabing nagmaneho sa bangka na kanilang sinakyan pagkapatay sa mayor at paghulog ng bangkay nito sa karagatan, noong hatinggabi ng Miyerkoles.

“Ang nagpusi si board member nino Rey Boniel dayon gitabangan na og kining sod sa net ang patayng lawas paghuman og bukot gibutangan og bato gidiritso og hulog (Binaril ni Board Member Niño Rey Boniel at agad nilagay sa net ang bangkay at nilagyan ng bato sabay hulog)," ani Reyolito Ethan Boniel.

Ayon sa mga imbestigador, bagamat hindi pa nakikita ang baril na ginamit sa pagpatay sa mayor, inamin ng suspek na nagbabalak na ang alkalde na makipaghiwalay sa kanya bago ito mamatay.

"Hindi na daw umuuwi si Mayor Boniel, palaging naka-leave at parang napapabayaan iyong kanilang bayan... Balak nang mag-resign ni Mayor Boniel at magfa-file na ng annulment," ani Taliño.

Sumailalim sa psychological test ang alkalde isang araw bago ito mapaslang sa Bohol. Pinaniniwalaan ng mga imbestigador na gagamitin ang psychological exam sa paghahain ng annulment.

Patuloy pang iniimbestigahan ang kaso ng mag-asawa.

Kung mapatunayan na sangkot sa pagpatay, haharap sa kasong parricide ang mister nito.

Bangkay ng alkalde, hinahanap pa rin

Tumulong na ang mga Korean diver para mas mapabilis ang paghahanap sa bangkay ni Bien Unido Mayor Gisela Boniel.

Ngunit kagabi, itinigil muna ang retrieval operation dahil sa lakas ng alon at madilim na sa lugar.

-- Ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News