#SEAGames2019: Pinoy gold medalist, pamilya naging biktima ng ipo ipo, Tisoy

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 06:12 AM

Mahalaga para kay javelin-throw champion Melvin Calano na magtiwala umano sa plano ng Diyos, maganda man o pangit ang karanasan ng isang tao. Czar Dancel, ABS-CBN News

CAPAS, Tarlac—Labis ang kasiyahan ng Pinoy javelin thrower na si Melvin Calano nang masungkit nito ang ginto medalya sa 2019 Southeast Asian Games sa New Clark Athletic Stadium nitong Lunes lalo pa't dumaan sa hagupit ng kalamidad ang kaniyang pamilya isang linggo bago lumaban.

Kuwento ni Calano, anim na araw bago tumuntong sa track oval para sa men's javelin throw, winasak ng isang ipo ipo na dala ng bagyong Tisoy ang kanilang bahay sa Camarines Norte kung saan nakatira ang kaniyang pamilya. 

"Six days before competition nagkabagyo, tapos tumawag yung asawa ko, sabi ‘wala na yung bahay natin’," pagbabahagi ni Calano na bronze medalist sa 2017 SEA Games. 

Bagamat inaming napaiyak sa nangyari, nagawa pa ring magpasalmat sa Diyos ng atleta dahil ligtas ang kaniyang pamilya. Ayon sa kaniya, mas inisip niya na ligtas ang mga mahal sa buhay kaysa sa nawalan sila ng bahay. 

"Sabi ko sa kanila, 'wag kayong panghinaan ng loob kasi God is in control," dagdag nito. 

Laking tuwa rin nito na nakapagpagawa siya ng bagong CR sa labas ng kanilang bahay bago mangyari ang sakuna na para sa kaniya ay paghahanda ng Diyos sa kanila. Dito umano nagtago ang kaniyang pamilya.

Nasa isang waiting shed malapit sa kanilang bahay umano pansamantalang nananatili ang kaniyang pamilya. Kuwento pa niya, katatayo lang din ng waiting shed isang buwan bago ang bagyo.

"Pinrepare rin ni Lord 'yung waiting shed na 'yun kasi last month lang din 'yun ginawa ng barangay council. May tiwala ako sa salita ng Diyos kaya hindi ko pinoproblema," ani Calano.

Samantala, nagulat naman siya kaniyang naging performance sa SEA Games dahil madalas umanong nasa 62 hanggang 63 meters lamang ang nagiging tapon niya sa ensayo. 

Ngunit sa mismong laban, nasa 69 meters hanggang 72 meters ang inabot ng kaniyang bato na naging daan upang itakbo ang gintong medalya. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.