#SEAGames2019: Pinay heptathlon champion, 3 taon nang di nakikita ang pamilya

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2019 04:58 PM

Ang pagkawalay sa pamilya na nasa Mindanao ang sakripisyo ni Sarah Dequinan para katawanin ang Pilipinas sa iba't ibang kompetisyon. Czar Dancel, ABS-CBN News

NEW CLARK CITY -- Nais niyang sundan ang yapak ng tanyag na si Elma Muros-Posadas ngunit ang kapalit nito ay ang pagkakawalay sa pamilya.

Naibulsa ng atleta mula sa University of Santo Tomas na si Sarah Dequinan ang gintong medalya sa women's heptathlon sa 2019 Southeast Asian Games matapos magtala ng 5101 puntos upang talunin ang 3 pang katunggali.

Ito ang unang beses na maiuuwi ng Pilipinas ang ginto sa event matapos ang 18 taon. Huling nakuha ng bansa ang panalo noong 2001 sa Kuala Lumpur dahil kay Muros-Posadas.

Ngunit sa likod ng mga ngiti ng batang atleta ay ang pangungulila sa pamilya na nasa Mindanao.

Ayon kay Dequinan, tatlong taon na niyang hindi nakikita ang pamilya dahil sa pag-eensayo sa laro. Ito aniya ang kaniyang pinakamalaking sakripisyo para katawanin ang Pilipinas sa iba't ibang kompetisyon.

"Malayo po sa family. 'Yung venue po sa training, lumipat from Pangasinan to dito, and malayo sa tao. So parang ang hirap po makipag-communicate with other people kasi ang layo nila," kuwento ni Dequinan.

Dagdag pa nito, maaari siya bumisita sa kaniyang pamilya sa susunod ngunit nais nitong maghanap na rin muna ng trabaho sa Maynila.

Nagbunga naman ang kaniyang mga sinakripisyo lalo pa't katuparan umano ang ginto sa SEA Games sa kaniyang pangarap.

"Wala po akong masabi. Super amazing lang po ‘yung nangyari. Para siyang panaginip," saad ng manlalaro na paborito ang long jump, hurdles, at high jump.

Isa ang panalo ni Dequinan sa pitong gintong medalya na nasukbit ng Pilipinas sa track and field na ginaganap sa Athletics Stadium dito sa bayan ng Capas, Tarlac.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.