#SEAGames2019: EJ Obiena inaming di pa 100% kahit nanalo ng ginto

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2019 10:37 PM | Updated as of Dec 07 2019 11:46 PM

Dahil sa paghahanda niya sa 2020 Olympics, di umano nasa top condition si EJ Obiena. Mark Demayo, ABS-CBN News

NEW CLARK CITY—Hindi pa nakikita ng mga Pilipino ang buong kakayahan ni EJ Obiena.

Matapos ang record-breaking na performance, sinabi ni Olympic-bound Obiena na wala pa siya sa tamang kondisyon nang sumalang sa 2019 Southeast Asian Games nitong Sabado dahil nasa kalagitnaan ito nang bugbugang paghahanda para sa 2020 Tokyo Games. 

Bagamat masaya na nasungkit ang ginto na anim na taon niyang hinintay, inamin nito na hindi siya masyadong hanga sa nakuhang 5.45 na marka, kahit sapat ito para burahin ang 5.35 meter na rekord ng palaro. 

Naabot na ni Obiena ang 5.81 marka ngayong taon na naging dahilan upang makakuha ng tiket papuntang 2020 Tokyo Olympics. 

"Condition-wise, I'm not even there yet. All the preparations is for Tokyo. Honestly, I'm just trying to play safe. In as much as I want to push it, but the thing is, as long as I win, I'm happy," banggit ng 2019 Summer Universaide champion. 

Ayon sa ama ng atleta na si Emerson Obiena, dating pole vaulter din ng national team, 10 araw lamang na tapering o pahinga ang naibigay sa kaniyang anak dahil puspusan na ang ensayo nito para sa susunod na taon. 

Kuwento ng 55 anyos na coach na ng Philippine team, nakiusap lamang si Obiena na makapaglaro sa SEA Games lalo pa't hindi pa nito nakukuha ang ginto simula nang lumahok noong 2013. 

"Nag-usap sila ng coach niya, sabi niya importante sa kanya ’tong larong ’to. Kaya binigyan siya ng 10 days na mag-taper. Sabi niya (coach), kung ano kondisyon mo ilaro mo lang. He just passed this game, but the focus is in Olympics," ani Emerson na dati ring naging silver medalist sa SEA Games. 

Nakatakdang bumalik sa Italya para magpatuloy sa paghahanda ang Asian Championships gold medalist sa Sabado, Disyembre 8. 

Lalahok aniya siya sa Asian Indoor Games sa Pebrero at sa World Indoor sa Marso na parehong gaganapin sa China. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

2019 SEA Games