Unang bakbakan ng UP, Ateneo sa UAAP basketball finals, inaabangan na

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2018 08:28 PM

Watch more in iWantTFC

Sa pagpasok nila sa UAAP basketball finals matapos ang 32 taon, inaasahan ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons ang magandang bakbakan kontra Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles.

Pagkatapos ng kanilang "mala-soap opera" na laro kontra Adamson Soaring Falcons nitong Miyerkoles, inaabangan ngayon ng Fighting Maroons ang kanilang underdog role kontra defending champion na Ateneo.

Espesyal para kay UP captain Paul Desiderio ang magaganap na finals.

"Ilang taon din hindi nakapasok sa finals, napaka-espesyal nito para sa akin," ani Desiderio, na tumira ng huling limang puntos ng UP para lamangan ang Adamson at pumasok sa finals.

Ikinagalak naman ni head coach Bo Perasol ang fighting spirit ng kaniyang koponan na gutom manalo matapos ang 21 taong hindi pagpasok sa final 4.

Dalawang beses nagharap ang UP at Ateneo nitong Season 81, kung saan parehong nanalo ang Blue Eagles.

Para kay Adamson coach Franz Pumaren, posibleng lamang ng Ateneo ang mas mahabang pahinga.

"UP is gonna be tired of the emotions and everything physically but with the way they're playing, crowd support is there. They're like a typhoon surge that's hard to stop," aniya sa isang post-game conference.

Gaganapin ang Game 1 ng UAAP Season 81 basketball finals sa Mall of Asia Arena, alas-3 ng hapon ng Sabado at mapapanood sa ABS-CBN Channel 2 at Sports and Action.

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.