SEA Games: Pinoy fans todo-suporta sa laro ng Azkals

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2019 08:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dinumog ng mga Pinoy fans ang Rizal Memorial Stadium sa naging laban ng Azkals para sa Southeast Asian Games sa mga nakalipas na araw. 

Mainit man, tiniis ng mga fans ang panahon para masilayan ang national team sa kanilang kampanyang makamit ang gold medal sa torneyo. 

Tumabla ang Pilipinas sa Cambodia sa tournament opener nila sa iskor na 1-1. 

Unang nalamangan ng Cambodia ang Pilipinas pero bago pa man matapos ang laro sa stoppage time, naka-iskor ang bagong-salang na Azkals player na si Dennis Chung. 

At kahit pa naman tapos na ang laro, naghintay pa ang ilang fans para maiparinig ang kanilang cheer. 

Para sa Azkals, malaking tulong ang suporta ng kanilang fans sa kanilang kampanyang malagpasan ang group matches. 

Bukod sa Cambodia at Myanmar, kasama ng Pilipinas sa Group A ang Malaysia at Timor Leste. 

Natalo sa kanilang laban ngayong Miyerkoles ang Pilipinas kontra Myanmar (2-1) at ngayo'y may 1 puntos sa group stages. 

Papasok sa semifinals ang Top 2 ng bawat grupong isinalang sa group stages. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Importante rin sa Under-22 team ng Azkals ang suporta ng fans, sa gitna ng naging gusot sa venue noong nagdaang araw. 

"Pinagplanuhan talaga namin sobra, 100 percent po. Keep supporting Azkals u22. Not just Azkals, all Filipino athletes also," ani Azkals U22 defender Mar Vincent Diano. 

Maaalalang kumalat sa social media ang retrato ng men's football team ng Timor-Leste na ilang oras naghintay sa airport para sa bus na susundo sa kanila.

Nakunan din ng retrato ang men's football team ng Cambodia na natutulog sa sahig ng function room ng isang hotel. 

Nagpagamit din ang Vallacar Transit, na pagmamay-ari ng Ceres Bus Line ng 18 bus para sa football teams na sasabak sa SEA Games. 

May airconditioning, telebisyon, at banyo ang mga bus, na kayang pagkasyahin ang mahigit 40 tao.

Alinsunod din ito sa standards ng Philippine Football Federation.

-- Ulat nina Dyan Castillejo at Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games