Pagkain, transportasyon, hotel accommodation sa SEA Games idinaing

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2019 05:46 PM | Updated as of Nov 25 2019 07:15 PM

(UPDATE) Idinaing ng mga kinatawan ng Pilipinas at ibang mga bansang kalahok sa 30th Southeast Asian (SEA) Games ang ilang hindi magandang serbisyong naranasan sa bansa.

Bumuhos nitong mga nakaraang araw ang mga reklamo ng mga coach, atleta, at iba pang delagado kaugnay ng pagkain, transportasyon, at hotel accommodation.

MABABANG KALIDAD NG PAGKAIN

Nitong Lunes, ibinunyag ng coach ng Philippine women's football team ang umano ay mababang kalidad ng pagkain na ibinibigay sa mga atleta.

Kulang at walang sustansiya ang mga pagkaing inihahain para sa mga atleta ng palaro, ayon kay Philippines women's national football team coach Let Dimzon.

"I'm not sure kung paano ang arrangement ng PHISGOC, but the quality and quantity of food is not enough," ani Dimzon sa isang press conference kasama ang mga coach ng women's football team ng Malaysia, Thailand, Indonesia, Vietnam at Myanmar.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa katunayan, kikiam at itlog ang ulam na ibinigay sa mga atleta nitong umaga ng Lunes, na "walang nutrients," ayon kay Dimzon.

"Supposedly, this is an international competition, it should be international course. Pero I think, baka 'yong budget na binibigay ng PHISGOC [Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee] is not enough to cover 'yong ganoong klase ng food," dagdag niya.

Para hindi magutom, nag-grocery na lang ang mga coach ng tubig at pagkain para sa kanilang mga manlalaro.

Nakakahiya raw ang naranasan ng women's football team ng Pilipinas lalo at hindi ganoon ang trato sa kanila kapag sa ibang bansa sila lumalaban.

"Tayo ang host country, medyo disorganized," ani Dimzon.

Noong weekend, nag-viral ang Facebook post ng isang manlalaro ng Philippine women's football team.

Sa post, ikinuwento ni Hali Long na ilang oras silang naghintay dahil walang available na kuwarto sa hotel kung saan sila naka-check-in.

Bukod sa Pilipinas, naranasan din ng women's football team ng Malaysia, Vietnam, at Myanmar ang kakulangan sa pagkain at problema sa transportasyon.

"Today, my breakfast, most of the players eat only bread and some egg. We have a big tournament, I hope they will improve the food," ani Joceph Jacob, coach ng koponan mula Malaysia.

"I hope that we have police escorts and don't have to wait for the bus to arrive. I request to bring more food and escort. We wait for more than one hour for training," sabi naman ni coach Mai Duc Chung ng Vietnam.

MGA BANYAGANG ATLETA NAGHINTAY SA AIRPORT

Noong weekend din, kumalat sa social media ang retrato ng men's football team ng Timor-Leste na ilang oras naghintay sa airport para sa bus na susundo sa kanila.

Nang dumating umano ang bus, dinala naman sila sa maling hotel.

Nakuhanan din ng retrato ang men's football team ng Cambodia na natutulog sa sahig ng function room ng Century Park Hotel sa Maynila.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag naman ng Century Park Hotel na huli na nang sabihan silang darating ang Cambodia team nang maaga at puno pa ang mga kuwarto kaya pinatuloy muna ang mga atleta sa function room.

Inalok man ng upuan, mas pinili ng mga atleta na sa sahig magpahinga, sabi ng Century Park Hotel.

Nagreklamo din ng kulang na pagkain ang football team ng Thailand.

Pinadadalhan na lang daw ng pagkain ng gobyerno ng Thailand ang mga atleta nito.

Nagkansela rin noong Sabado ang Thailand ng football practice dahil naipit sa trapiko.

Ayon naman sa National Olympic Committee of Thailand, noong una silang dumating noong Nobyembre 22, walang sumalubong at oras ang binilang bago sila nasundo sa airport.

Pahirapan din daw ang accreditation at pagkuha ng media ID noong Linggo.

Pinakiusapan din daw silang lumipat ulit ng hotel dahil fully-booked na raw ang pinagdalhan sa kanilang hotel.

Mismong football players din daw ng Thailand ang naghanap ng venue para sa training.

Watch more in iWant or TFC.tv

ORGANIZERS NAG-SORRY

Sa isang pahayag, inamin ng PHISGOC na may pagkukulang sila na dapat tugunan.

Noong Linggo, humingi ng paumanhin si PHISGOC Chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga aberyang naranasan ng mga kinatawan ng ibang bansa.

Humingi rin ng paumanhin ang Malacañang sa mga nangyari at titiyakin daw nilang magiging maayos ang karanasan ng mga darating pang delegado.

-- Ulat nina Ron Gagalac, Jacque Manabat, at Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games