BALIKAN: Iba't ibang stunts, paandar ng mga koponan sa UAAPCDC 2019

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2019 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagtagisan ng husay, enerhiya, at mga pakulo ang iba't ibang cheearleading squads ng mga unibersidad sa taunang UAAP Cheerdance Competition (UAAPCDC) na ginanap nitong Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Unang nagtanghal ang De La Salle Animo Squad na may temang hango sa Hollywood film na "The Greatest Showman."

Sumunod ang University of the East Pep Squad na musikang reggae ang napiling sentro ng kanilang pagtatanghal.

Ikatlo ang University of the Philippines Pep Squad na sari-saring galaw ang ipinakita tulad ng martial arts.

"Around the world" naman ang pakulo ng Ateneo Blue Babble Battalion na umani ng papuri sa netizens dahil sa kanilang props.

Ang Adamson University Pep Squad, musika mula sa Caribbean ang ginamit na inspirasyon sa kanilang performance.

"Nabuhay" ang espirito ni Michael Jackson sa routine ng Far Eastern University Cheering Squad na ginamit ang signature moves ng king of pop.

Samantala, naging diwata at iba pang kakaibang nilalang naman ang mga miyembro ng University of Sto. Tomas Salinggawi Dance Troup sa kanilang "enchanting" routine.

Pinakahuling nagtanghal ang kampeon noong nakaraang taon na National University Pep Squad, na hindi binigo ang kanilang mga tagahanga sa pambihirang routine na may temang "Pinoy pride."

Nag-level up man ang mga koponan ngayong season, sa huli ay nanaig pa rin ang bagsik ng NU Pep Squad na muling tinanghal na kampeon ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.