PBA: Belga at Calvin Abueva sa isang team? Payag si ‘Big Beau’

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2018 11:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maraming asset na dala sa basketball court si Calvin Abueva at para kay Beau Belga dahilan ito kung bakit gusto niyang makasama sa isang team ang kontrobersyal na "The Beast."

Ayon sa Rain Or Shine big man, hard worker si Abueva.

"Si Calvin kasi 'pag dinala mo sa sistema ni coach Yeng Guiao, pinasa mo ang bola ratratan na. Hindi nakakapagod, magre-rebound lang ako," pahayag ni Belga sa programang "The Score" nitong Huwebes.

Dagdag ni Belga, mahirap na kalaban si Abueva na kilala sa kaniyang rugged playing style.

"Ang nakikita ko pursigido. Ako hindi ko nakikitang maduming maglaro. Marami lang nasasaktan kasi galawgaw siyang lumaro," ayon sa Rain Or Shine big man.

Kuwento pa ni Belga, gusto rin niyang makasama sa team si Mark Caguioa na naging idolo niya noong bata pa siya.

High school pa lang daw siya noong napanood niyang lumaro ng live ang noo'y rookie pang si Caguioa sa finals sa pagitan ng Ginebra and San Miguel Beer.

"Doon ko siya nakitang maglaro," pag-alala ni Belga. "Sabi ko, 'Ang galing naman nito.' Doon ko siya naging idol."

"Mula noon gusto kong maging teammate ko man lang sana si Mark sa PBA kahit one conference. At naging teammate ko naman sa all-star game."

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.