Pacquiao nagsilbing inspirasyon sa ilang OFW sa California

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 07:41 PM

Watch more in iWantTFC

LOS ANGELES, California – Pagod mula sa 12 oras na overnight shift bilang nurse sa siyudad si Armand Edang. 

Gayunman, pinilit niyang sunduin ang kaniyang asawa at 3 anak para masilayan si Manny Pacquiao na tumatakbo sa Griffith Park bilang paghahanda sa laban kontra American boxer Keith Thurman. 

Kuwento ni Edang, sinusubaybayan niya ang karera ng “Pambansang Kamao” magmula pa noong teenager pa ito. 

Ngayong itinuturing nang boxing legend si Pacquiao, nais umanong maipakita ni Edang sa kaniyang anak ang maaaring bunga ng pagpupursige para maabot ang pangarap at bumangon sa hirap. 
 
Nag-de-day off din ang mga LA-based na Pinoy kapag naroon si Pacquiao para mag-training. 

May iba ring fans mula sa bansang Amerika at Laos na pumunta sa training at ibinahagi nila kung paano sila humuhugot ng inspirasyon kay Pacquiao. 

Maaalalang umahon sa kahirapan si Pacquiao, na ginamit ang boksing para sa pagsustento sa kaniyang pamilya.

Naging emosyonal naman ang kapatid ni Pacquiao na si Isidra sa ipinakitang pagpupursige ng boxer at ang pagbibigay nito ng tulong sa iba. 

"Hindi ko na maisa-isa 'yung natulong niya sa'min at sa ibang tao," ani Isidra. 

Inimbita ni Pacquiao ang isang 13 anyos na may stage 4 cancer na mag-almusal at manood ng kaniyang laban. 

Mangyayari ang labanang Pacquiao-Thurman sa Hulyo 20 (Hulyo 21 sa Pilipinas) sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.

— Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.