PBA: Ginebra players nirerespeto ang pasya ni Slaughter na magpahinga

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 09:30 PM | Updated as of Feb 19 2020 10:10 PM

Binuksan ng Barangay Ginebra ang kanilang training camp nitong Miyerkoles para sa darating na 2020 PBA Philippine Cup.

Kapuna-puna na hindi kasama sa ensayo nila sa Upper Deck sa Ortigas si Greg Slaughter, na inanunsiyo ang kagustuhang magpahinga muna sa basketball.

Ayon kay Ginebra center Japeth Aguilar, nirerespeto niya ang pasya ng kapwa Twin Tower.

“For me mas inaalala ko na lang siya. He probably is going through something na hindi natin alam,” paliwanag ni Aguilar.

“ ’Yun ang naging decision niya. Kilala ko naman si Greg kasi I’ve been friends with him for so long. Whatever he’s going through siyempre mas alam niya kung anong mas makakabuti sa kanya.”

Maraming nagulat sa desisyong ito ni Slaughter, lalo na’t may tsansang dominahin ng 7-foot big man ang torneo dahil inaasahang di maglalaro si June Mar Fajardo dahil sa injury.

Nagpahiwatig na rin si Ginebra coach Tim Cone na, matapos nilang iuwi ang kampeonato ng 2019 Governors’ Cup, layunin nilang makuha ang titulo nitong all-Filipino conference.

Hindi nagbigay ng statement si Cone ukol sa sitwasyon ng team at ni Slaughter.

Para kay Ginebra team captain LA Tenorio, move on na lang ang koponan. 

“The same pa rin, Ginebra team pa rin kami,” he said. “Kumpleto pa rin kami with regards to Greg, wala akong comment about it.”

“The one thing I could say is personally I respect Greg’s decision,” Tenorio added. “Kung ano man ang decision niya, kung ano man ang mangyari sa buhay niya, it’s not my business.”

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.