KILALANIN: Fil-Italian model na nagreklamo laban kay Harvey Weinstein

Mye Mulingtapang, ABS-CBN North Bureau

Posted at Oct 14 2017 05:47 PM | Updated as of Oct 15 2017 07:18 AM

Laman ng mga balita sa Hollywood ngayon ang Filipina-Italian model na si Ambra Battilana Gutierrez kaugnay ng kanyang akusasyon ng sexual harassment sa film producer na si Harvey Weinstein.

Patuloy din ang pagdinig sa kasong isinampa ng modelo laban kay dating Italian Prime Minister Silvio Berlusconi sa kontrobersyal na Bunga-Bunga scandal na kinasangkutan ng mga female escort at underaged prostitute.

Taong 2015, isang sting operation ng New York Police Department ang isinagawa matapos magreklamo ng pangmomolestiya ang modelo laban kay Weinstein. Ngayong Martes, inilabas ng New Yorker ang halos dalawang minutong recording kung saan maririnig ang pag-amin ni Weinstein sa paghawak niya sa maselang bahagi ng katawan ni Guiterrez.

Marami ang di naniwala sa pahayag at ebidensya na ipinakita ni Gutierrez noon, ngunit naging matibay ang paninindigan niya upang ipaglaban ang nangyari sa kanya. 

Dalawa’t-kalahating taon matapos inilabas sa publiko ang recording ay sunod-sunod din ang pag-amin ng ilan pang mga kababaihan na biktima ni Weinstein, kabilang na ang mga sikat na aktres na sina Angelina Jolie, Gwyneth Paltrow at Ashley Judd.

Nadawit din ang pangalan ni Gutierrez sa sexual at erotic parties ni Berlusconi. Nasa listahan si Gutierrez ng mga female escort na umano’y binayaran ni Berlusconi kapalit ng kanilang serbisyo. 

Mariin itong pinabulaanan ni Gutierrez, na naging witness sa sexual parties na naganap sa Arcore Villa ni Berlusconi taong 2010 kung saan kasama niya ang isa pang kaibigan at kapwa modelo. Nagsampa naman si Gutierrez ng kasong bribery laban kay Berlusconi na hanggang ngayon ay dinidinig sa Milan tribunal.

Sa exclusive interview ng ABS-CBN News kay Gutierrez noong Hunyo 2016, idinetalye niyo ang mga pangyayari sa mga eskandalong kinasangkutan at kung paano gumuho ang kanyang mga pangarap at biglang nagbago ang kanyang buhay pati ng kanyang pamilya.

“My life completely fell apart. I lost friends. I’ve been in depression. I lost everything. For my family it was difficult. I saw my brother and my mom crying,” sabi niya.

Ngunit matapang na hinarap ni Gutierrez ang mga kilala at maimpluwensyang tao at ang publiko na pinagdudahan ang kanyang kredibilidad. Maraming lumabas na negatibong balita sa mga tabloid sa America at Italy na nagsasabing ginagawa lamang ito ni Gutierrez para sumikat at magkapera. 

“I had to change myself, my identity. One thing my mom always said if God gives you something it’s because he knows you can do it. So I thought this was maybe what I’m meant to do like you know, fight, getting the truth out and helping other girls not to experience the same,” aniya.

Ayon pa kay Gutierrez, nais niyang maging boses ng ibang kababaihan na takot ibahagi ang kanilang karanasan dahil sa kahihiyan o negatibong reaksyon na kanilang matatanggap.

“Don’t be afraid if you’re on the right side. Something is going to happen and it’s going to help you. Just speak out the truth if not for you, for someone else. It could be like your future daughter, your sister,” dagdag niya.

Sa muling pakikipag-usap ng ABS-CBN News kay Gutierrez sa pamamagitan ng kanyang social networking account, sinabi niya na masaya siya na lumabas na ang katotohanan.

Patuloy naman ang laban ni Gutierrez upang makamit ang hustisya para sa mga kababaihang biktima ng pang-aabuso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.