Kita ng ilang Pinoy tour guide matumal dahil sa HK protests

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2019 07:53 PM | Updated as of Aug 15 2019 10:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umaaray na ang ilang negosyo sa karatig-lugar ng Hong Kong sa serye ng payapang protesta na nangyayari sa lugar, partikular na sa sektor ng turismo. 

Nag-ugat ang mga protesta sa pagtutol sa isang panukalang batas pero ngayo'y naging mga panawagan na para sa demokrasya sa Hong Kong, na sakop ng China. 

Umabot din sa Hong Kong International Airport ang mga rally, dahilan para magkansela ng flight ang mga airline. 

Tuloy pa rin ang ilang tour sa Hong Kong dahil hindi naman lahat ng lugar ay sakop ng mga protesta. 

Gayunman, ayon sa ilang Pinoy tour guide, apektado na ang mga negosyo sa kalapit na lugar ng Hong Kong gaya ng Macau nang magsimula ang serye ng protesta rito. 

Kadalasan daw kasi ay galing sa Hong Kong ang bumibiyahe ng Macau, na may 1 oras ang layo sa isa’t isa.

Ayon sa tour guide na si Frederick Libara, tinatayang sa 70 hanggang 80 porsiyentong turista ang nawala dahil sa mga protesta. 

"'Yung mga turista is sa Hong Kong galing kadalasan. Eh gawa nga ng nagprotesta sa Hong Kong at cancelled ang flights, so nabawasan talaga 'yung mga turista, siguro nasa 70-80 porsiyento (ang bawas),” ani Libara. 

Tumatanggap na rin daw sila ng mas mababang singil, ayon sa isa pang tour guide na si Nerita Labiron. 

"'Sobrang hirap kasi ngayon kahit hindi kami tumatanggap ng 100 noon tinatanggap na namin para kahit papaano may part time,” ani Labiron. 

Para naman sa ilang turistang Pinoy sa Macau gaya nina Reysnon Santos at Chaescle Armeza, ligtas namang mamalagi at lumibot sa Hong Kong nang dumaan sila roon. 

"Nu'ng na-book nga ito siyempre kabado kami sa nangyayari sa Hong Kong. Noong dumating kami doon ang safe, safe naman parang walang gulo," ani Santos. 

"May magsasabi naman po sa inyo na saan lulugar 'yung mga raliyista, kaya safe pa naman po pumunta," ani Armeza. 

Normal pa sa ngayon ang operasyon sa Hong Kong International Airport, pero inaasahan pa ang malawakang protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa darating na weekend. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.