60 Pinoy seafarers na-stranded sa Amsterdam

Jofelle P. Tesorio, ABS-CBN NEWS

Posted at Jun 26 2020 02:04 AM | Updated as of Jun 26 2020 01:52 PM

AMSTERDAM - Dalawang grupo ng mga overseas Filipino worker (OFWs) ang na-stranded sa Amsterdam Schiphol Airport kamakailan.
 
Ang mga ito ay binubuo ng pitong seafarers na galing Turkey at 53 na seafarers na nakabase sa Netherlands ang mga barko.
 
Dumating ang grupo ng seafarers galing ng Turkey sa Schiphol Airport noong Hunyo 22 para mag-stop over at tumuloy sa Norway kung saan naroon ang chartered plane na magdadala sa kanila sa Pilipinas.
 
“Magta-transit lang kami sa Schiphol para sa Norway pero di kami pinayagan ng immigration na makasakay ng flight para sa Norway kasi wala kaming Schengen visa. Parang miscommunication between KLM at immigration kasi di nila na-inform ang immigration na magta-transit lang kami at naghihintay naman ang chartered plane na inasikaso ng kumpanya sa Bergen, Norway,” ani Oliver Pansacula, isa sa pitong OFW na na-stranded, galing Turkey.
 
Nakatulog umano sila sa hotel sa airport ng unang gabi pero dahil may booking ng mga sumunod na araw kaya sa mga lounge o upuan muna sila natutulog. Inaasikaso naman umano sila ng maayos ng kanilang employer.
 
Nakipag-usap ang embahada sa mga airlines at otoridad para payagan na silang makaalis at binisita sila ng embassy staff at binigyan ng kaunting panggastos habang naghihintay sa airport.
 
Matapos ang halos apat na araw sa Amsterdam Airport, noong Hunyo 25 ay nakasakay na ang grupo sa isang flight patungong Norway. Dalawang araw pa umano matutulog sa airport hotel sa Norway para sa chartered flight pa-Maynila sa Hunyo 27.
 
Samantala, ang grupo naman 53 seafarers sa the Netherlands ay na-stranded din sa Schipol airpost matapos makansela ang flight nila patungong Maynila na may connecting flight sa Tokyo Narita Airport noong Hunyo 19.
 
Sa tulong ng Philippine Embassy at Office of the Undersecretary for Migrant Workers and Intelligence and Security Unit ng Department of Foreign Affairs ay naayos ang kanilang special repatriation flight nong Hunyo 20.
 
Sa grupong ito, 46 ang sumakay sa repatriation flight at pito ang nag-desisyon na kumuha ng ibang flights na inasikaso ng kanilang mga employer.
 
Noong nakaraang linggo, may 12 na seafarers galing sa Curacao ang na-stranded din sa Schiphol Airport nang tanggihan sila ng airline na paalisin dahil sa quota na tinatanggap para sa mga nagisisipag-uwiang OFW. Nakakuha ng exemption sa DFA Undersecretary for Migrant Workers Manila ang embahada para sa kanila kaya nakasakay naman ang mga ito sa sumunod na flight ng KLM patungong Maynila.
 
Kaugnay nito, inaasikaso ng Philippine Embassy ang posibleng special commercial flight sa Hulyo 3 (Biyernes) para sa mga Pilipinong na-stranded sa The Netherlands. Makipag-ugnayan lang umano sa embahada sa email na thehague.pe@dfa.gov.ph at consul@philembassy.nl para sa mga detalye. Nilinaw ng embahada na ang ticket ay sagot ng pasaherong lilipad ng kanilang employer.
 
Dahil sa walang kasiguraduhan sa desisyon ng mg airline at airport tungkol sa mga biyahe patungong Maynila, naglabas din ng advisory ang embahada para sa mga Pilipinong uuwi ng Pilipinas at dadaan sa Schiphol Airport. Dapat umano ay may confirmed booking at ticket ang sasakay, may Schengen visa kung ang lay-over ay mahigit apat na oras sa Amsterdam Airport at visa kung kinakailangan para sa susunod na connecting flight. Pinapayuhan din ang mga bibiyahe na dalhin ang papeles o contact ng kanilang travel agency, manning agency o employer at iba pang impormasyon para may makokontak sakaling ma-delay or makansela ang biyahe.
 
Pinapayuhan din ang mga uuwing OFW na magpatalaga sa online registration ng Department of Labor and Employment na OFW Assistance Information System (OASIS). Kapag nakapagrehistro umano sa www.oasis.owwa.gov.ph ay magkakaroon ng impormasyon agad ang DOLE, POLO-OWWA at POEA upang mabilis na matugunan ang maayos na pagtanggap sa airport gayundin sa quarantine at housing dahil sa COVID-19.
 
Bilang pagdiriwang ng Seafarers Month sa June 25, magbibigay umano ang Philippine Embassy ng kaunting ayuda sa mga na-stranded pang seafarers sa The Netherlands.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.