Online noise barrage ikinasa ng mga Pinoy sa Netherlands bilang suporta sa ABS-CBN

Jofelle P. Tesorio, ABS-CBN News

Posted at May 08 2020 08:36 PM

THE HAGUE – Magsasagawa ng online noise barrage ngayong Biyernes at sa weekend ang grupo ng mga makabayan at aktibistang Pinoy na nakabase sa The Netherlands, kasama ang iba pa nilang network sa Europa.
 
Makikiisa umano ang grupo sa online protest na "Laban, Kapamilya" na mapapanood ng live sa Facebook at pangungunahan ng malalaking Kapamilya stars gaya nina Coco Martin, Judy Ann Santos at Kim Chiu.
 
Ayon kay Marlon Lacsamana, secretary-general ng Migrante-Europe, ang pag-iingay nila ay para kalampagin ang gobyerno ng Pilipinas at taumbayan sa nagaganap na umano’y pagkitil sa kalayaan ng pamamahayag at ang pagsuporta sa mahigit 11,000 empleyadong apektado ng pagpapatigil sa broadcast operations ng ABS-CBN.
 
Magtitirik din umano sila ng mga kandila sa harap ng patay na telebisyon bilang simbolo ng pagkamatay ng kalayaan sa pamamahayag. Anila, kahit may cable at internet, milyon-milyong mga Pilipino sa liblib na lugar ng bansa ang umaasa lang sa antenna na naaabot ng ABS-CBN.
 
Sa gitna ng COVID-19 pandemic, ginagawa na ng grupo ang noise barrage bilang panawagan sa gobyerno na pagtuunan ng pansin ang mahihirap at mas magkaroon ng mas malalimang istratehiya sa pagtugon sa COVID-19.
 
“Mali ang pagpapasara sa ABS-CBN. Tinitingnan namin ito na de facto martial rule sa Pilipinas kung saan ang kalayaan sa pamamahayag, sa impormasyon, lalo na ngayong panahon ng COVID-19, ay sinusupil. Kaya matibay ang aming paninindigan na dapat muling buksan ang ABS-CBN para makapagpahatid ito ng mga impormasyon dito sa ating mga kababayan sa Europa. Gagawin namin ang pangangalampag in our own spaces,” pahayag ni Lacsamana sa pamamagitan ng video message.
 
Apat na araw matapos maglabas ang National Telecommunications Commission ng cease and desist order laban sa ABS-CBN, bumuhos ang pagsuporta sa istasyon at pagkondena sa mga nagpasara nito.
 
“Kami ay labis na nababahala sa pagsasara ng ABS-CBN lalo na ngayong panahon ng COVID-19. Napakahalaga ng papel ng mass media bilang daluyan ng impormasyon. Malinaw na ang motibo ng Duterte government ay patahimikin ang mga kritiko. Ang pag-uulat nito sa mga karahasang nagaganap sa mga mahihirap na naghahanap ng pagkain, sa mga frontliners na nagpupumilit na pumasok sa trahabo para maglingkod sa sambayanan,” ayon kay Jun Saturay, isang migrant’s rights activist sa Utrecht.
 
Dagdag naman ni Eunice de Asis, isa ring migrant rights and labor activist, “sa panahon ng COVID-19, ang ABS-CBN ang naging daluyan ng mga hinaing ng mga manggagawang migranteng Pilipino.” 

Nakikiisa umano sila sa laban ng mga empleyado ng ABS-CBN dahil ito ay laban ng manggagawang Pilipino.
 
Para naman sa Aglipayan Bishop na si Antonio Ablon, miyembro ng Europe Network for Justice and Peace in the Philippines, sinusuportahan nila ang kalayaan sa pamamahayag at ang 11,000 kawani ng ABS-CBN na apektado ng closure.
 
Ayon naman sa Filipino community leader na si Corazon Espanto, nakalulungkot ang pagpapasara sa network “lalo na ngayon na kailangan namin ng mga impormasyon tungkol sa aming mga pamilya sa Pilipinas. Ang ABS-CBN ang siyang tulay para mapag-alaman namin ang mga kaganapan sa aming inang-bayan.”
 
Maging ang Samahan ng mga Kabataan sa Netherlands, isang Filipino youth organization, ay nagpaabot din ng suporta. Anila, lubos silang nalulungkot sa biglaang pagpapatigil sa broadcast operations ng network na nagbibigay kasiyahan at kaalaman tungkol sa Pilipinas. Panawagan nito na ibaik sa ere ang ABS-CBN.
 
Ang ibang Pilipino naman sa Netherlands ay nagpaabot ng suporta sa social media sa pamamagitan ng paglalagay ng logo at ribbon na may kulay ng network sa kanilang profile, at pagpapakalat at pagpirma sa online petition na ibalik na ang ABS-CBN at asikasuhin na ng Kongreso ang nararapat na prangkisa. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.