Ilang Pinoy health workers abroad, frontliner din sa laban kontra COVID-19

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2020 04:41 PM | Updated as of Mar 29 2020 06:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa iba't ibang parte ng daigdig, ilan sa mga frontliners na nakikipaglaban kontra sa sakit ay mga Pilipinong health workers na nakipagsapalaran abroad. 

Mahigit isang dekada nang nagtatrabaho sa ospital sa Northwest England ang mag-asawang Louie at Celeste Joven.

Isang ICU nurse si Louie at puro mga matatandang COVID-19 positive patients ang inaalagaan niya. Humuhugot siya ng lakas ng loob sa mga kapwa niya Pilipino. 

"Kahit sobrang hirap ng trabaho, busy masyado, the whole night kami nakatayo, nagagawa pa rin namin tumawa, makipagbiruan. Kahit san ka lumingon, mayroon pa ring mga Pilipino na tumatawa, nagbibiruan para ma-lift ang spirits,” ani Louie.

Ayon kay Celeste, na isa namang occupational therapist, sa dasal sila kumakapit para maproteksyonan ang kanilang pamilya.

"Nagwo-worry talaga ako kasi si Louie ay firsthand sa mga pasyenteng may COVID so ang iniisip ko paano pag madala niya ang virus tapos may mga bata kaming maliliit," sabi ni Celeste. 

Pareho namang exposed sa COVID-19 patients ang mag-asawang Fred at Jen Crisostomo. 

Shifting sila hindi lamang sa ospital sa Yorkshire, England pero pati sa pag-aalaga ng anak. 

Kuwento ni Jen, tulad sa Pilipinas, kapos din sila ng personal protective equipment sa pinagtatrabahuhan sa Yorkshire. 

"Ngayon natatakot ako hindi para sakin pero para sa pamilya ko," pag-amin ni Jen.

Sa kabila ng kaba at takot araw-araw, sabi ni Jen, taas noo pa rin siyang magseserbisyo.

"I would say na talagang it's a privilege na makapag-serve sa tao regardless of what their race, regardless of their background. We take pride, whatever we do here so nakaka-proud din na napagsisilbihan namin ang ibang tao," aniya.

Tulad nila, marami ang Pilipino na frontliners sa iba't ibang bansa. Malayo man sila sa pamilya sa Pilipinas pero nag-uuwi naman ng karangalan sa Pilipino. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.