PANOORIN: Bonggang pagsalubong sa 2020 sa iba't ibang panig ng mundo

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2020 08:08 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Naging matingkad, maingay, at masaya ang pagsalubong sa taong 2020 sa buong mundo sa kabila ng mga sakuna at protesta. 

Unang nagpasiklab ang Sky Tower sa Auckland, New Zealand at Taipei 101 sa Taiwan sa magarbong pagsalubong sa Bagong Taon.

Hindi rin nagpahuli ang Pyongyang sa North Korea, Seoul sa South Korea, Tokyo sa Japan, at Bangkok sa Thailand.

Sa Australia, nagmistulang may ilog ng fireworks mula sa Sydney Harbour Bridge sa kabila ng mga panawagang kanselahin ang selebrasyon dahil sa higit isang dosenang kumpirmadong patay sa wild bush fires na tumupok sa higit 4 milyong ektaryang lupain at mga bahay doon.

Sa Hong Kong, kanselado ang taunang engrandeng fireworks dahil sa patuloy na protesta pero libo-libo pa rin ang nag-abang sa Victoria Harbour para sa fireworks at lights show.

Sa Lebanon, kasabay ng mga paputok ang protesta para sa rebolusyon.

Sa Dubai, namangha ang mga manonood sa magkahalong fireworks at projection display sa Burj Khalifa.

Sa Europa, sumentro ang mga paputok sa mga kilalang atraksyon, gaya ng Parthenon sa Athens, Greece, Brandenburg Gate sa Berlin, Germany, Arc de Triomphe at Champs Elysees sa Paris, France, at The Eye Tower sa London, United Kingdom.

Sa Rio de Janeiro sa Brazil, halos 3 milyon ang nanood ng fireworks sa Copacabana Beach.

Habang sa New York, ilang oras nagtiis sa lamig ang mga nagnanais mapanood ang iconic ball drop sa Times Square.

—Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.