2, kabilang buntis na babae, patay sa banggaan sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2019 09:07 AM

CADIZ, Negros Occidental -- Dalawang tao ang patay, kabilang na ang isang 32-anyos na buntis na babae, sa banggaan ng motorsiklo at tricycle sa lungsod na ito Sabado ng hapon.

Patay din ang driver ng motorsiklo nang bumangga ito sa nakasalubong na tricycle sa Barangay Burgos.

Ayon sa Cadiz City Police, tumilapon ang drayber ng motorsiklo at tumaob naman sa daan ang tricycle sa lakas ng banggaan.

Agad naihabol sa ospital ang drayber ng tricycle at siyam niyang pasahero. Pero ang babaeng buntis, pati na ang dinadalang sanggol sa sinapupunan, ay hindi na nailigtas dahil sa natamong sugat sa katawan.

Ayon kay Police Lt. Col. Robert Mansueto, hepe ng Cadiz City Police, nawalan ng balanse ang minamanehong motorsiklo kaya tumama ito sa nakasalubong na tricycle sa kabilang lane.

Samantala, apat naman ang sugatan nang mabangga ng isang truck ang isang tricycle sa Barangay Gil Montilla sa Sipalay din.

Kasama sa nasugatan ang drayber ng tricycle at ang kanyang mga mag-ina at naisugod sila sa ospital.

Ayon kay Dionelo Bogtae na pamuno ng Sipalay Emergency Assistance and Rescue Services, nag-overtake ang truck sa sinusundan nitong bus na naputukan ng gulong kaya't natamaan ang nakasalubong nitong tricycle na nasa kabilang lane.

Lulan ng truck ang ilang recruit ng Philippine Coast Guard na papunta sana sa karatig bayan ng Hinobaan para sa training.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.