Pari na nanakit umano ng menor de edad, arestado

Donna Cañete Lavares at Joworski Alipon, ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2018 10:07 AM | Updated as of Jul 15 2019 12:49 PM

Hindi na nagbigay pa ng kaniyang panig ang pari na inaresto dahil sa pananakit sa anak ng kanilang cook sa kumbento sa Mandaue City. Donna Lavares, ABS-CBN News

MANDAUE CITY, Cebu - Sa kulungan ang bagsak ng 61-anyos na pari sa Canduman sa lungsod na ito matapos na ireklamo ng umano’y pananakit sa isang bata, Miyerkoles ng gabi.

Isang residente ang nagreklamo laban sa pari na namalo umano gamit ang karton sa 15-taong gulang na anak ng kanilang cook sa kumbento. Ayon sa ina ng bata, may epilepsy ang anak.

Ikinagalit umano ng pari ang hindi agad pagpasok ng bata sa kaniyang 2 alagang aso sa loob ng kumbento.

Inamin din ng ina ng bata na hindi ito ang unang beses na pinalo ng pari ang kaniyang anak.

Watch more in iWantTFC

Dagdag pa niya, may pagkakataon din na kung galit ang pari ay nagmumura ito.

Isinailalim na sa medical at psychological test ang bata sa isang ospital.

Wala namang record sa istasyon nila ang nasabing pari, ayon kay SP04 Gerson Rosende.

Pero kung mapapatunayan na totoo ang kaniyang ginawa, kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Child Abuse Law ang kaniyang haharapin.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang pari nang hingan ng panig sa loob ng detention cell.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.