2 lalaki patay sa pamamaril sa Negros Oriental

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2019 05:06 AM

NEGROS ORIENTAL—Patay ang 2 lalaki matapos pagbabarilin sa harap ng kanilang inuupahang bahay sa bayan ng Bacong, Negros Oriental Lunes ng madaling-araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Velly Alsado at kaniyang katulong sa bahay na si Mark Anthony Selorio.

Ayon sa Bacong police, nakarinig ng 4 na putok ng baril ang ilang residente pasado ala-1 ng madaling-araw.

Natagpuan ang mga biktima na duguan at may mga tama ng bala. Dinala sila sa ospital pero binawian din ng buhay.

Nakuha sa crime scene ang 4 na empty shell ng kalibre .45 na baril at 3 slug ng baril.

Inaalam pa ng mga pulis ang motibo sa pamamaslang at kung sino ang nasa likod ng krimen.—Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.