Eroplanong pa-Japan nabalahaw sa NAIA runway bago mag-takeoff

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2019 03:12 PM | Updated as of Dec 14 2019 07:11 PM

MAYNILA — Isang eroplano ng Jetstar Japan ang lumihis at nabalahaw sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Sabado ng madaling araw, dahilan para maantala ang ilang paglapag at paglipad ng ilang flights. 

Patungong Japan sana ang naturang flight. 

Ayon sa pasaherong si Mary Joyce Astejada, palipad na sana ang eroplano nang magpreno ito nang malakas sa runway ng paliparan. 

"Nakakatulog na ako noon. Siyempre ang lakas kasi, nagulat kami lahat," ani Astejada. 

Napunta ang eroplano sa madamong bahagi ng runway at hindi ito naialis hanggang pasado alas-10 ng umaga. 

May mahigit 140 na pasahero ang eroplano, na ligtas naman matapos ang insidente. 

Dahil sa insidente, maraming flights ang naantala at ang iba pa ay na-divert sa Clark International Airport. 

Iniimbestigahan na ngayon ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang insidente, na itinuturing na "runway excursion." 

"Very minimal ang epekto dahil ang main runway, which can accommodate large aircrafts, ay bukas at nagagamit," paliwanag ni MIAA general manager Ed Monreal. 

Nabuksan ang apektadong runway bandang alas-11 nang umaga nang matapos ang clearing operations dito.

Watch more in iWant or TFC.tv

 

-- Ulat nina Jekki Pascual at Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.