Bilang ng nasawi sa ambush sa Borongan City, umakyat na sa 3

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2019 02:00 PM | Updated as of Dec 14 2019 07:01 PM

MAYNILA (UPDATE)- Umakyat na sa 3 ang nasawi sa pag-atake ng mga hinihinalang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa mobile patrol ng 1st Eastern Samar Provincial Mobile Force Company sa Borongan City, Biyernes. 

Isa pang sibilyan ang namatay ayon sa awtoridad, Sabado. Nauna nang napaulat na namatay ang isang pulis at isang sibilyan habang 14 iba pa ang nasugatan sa pagsabog ng improvised explosive device sa isang ambush ng mga rebelde sa Barangay Libuton sa siyudad.

Ayon kay Police Lt. Col. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Police Regional Office 8, nasa 50 armadong lalaki ang mga itinuturong suspek sa pagsabog.

Nadamay sa pag-atake ang isang dumaraang tricycle na may lulang mga sibilyan.

Ayon sa isa sa mga biktima sa tricycle, nakasunod sa mobile patrol ang kanilang sinasakyan nang bigla na lang silang nakarinig ng malakas na putok.

Nagpatuloy umano ang driver ng tricycle at doon na nila narinig ang sunod-sunod na putok. Sa gitna nito, nawalan ng kontrol sa tricycle ang driver. 

"Nagpuputokan na nang umaandar paakyat. Nagbabarilan na tapos paliko na siya (driver), pero hindi na nakaliko. Bumaliktad ang sinasakyan naming tricycle," ani Florence Traboco, isa sa mga nasaktan.

Nasugatan sa ilang bahagi ng katawan si Traboco at ang kaniyang dalawang anak. Kasama naman sa mga namatay sa insidente ang kaniyang ina.

Ayon sa mga opisyal ng ospital kung saan sinugod ang mga biktima, stable na ang kondisyon ng ibang nasugatan.

Kinondena naman ni Regional Director Brig. Gen. Ferdinand Divina ang insidente at nanawagan sa sinumang may impormasyon sa kinaroroonan ng mga suspek na makipag-ugnayan sa Facebook page o YouTube channel ng Police Regional Office 8.

- ulat nina Arra Perez at Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.