Nagpanggap na 'Richard Gomez' pinagtripan ang fast food chain

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 06:14 PM

TACLOBAN CITY — Mahigit P2,000 halaga ng pagkain mula sa isang fast food chain ang ipina-deliver sa Sagkahan National High School dito gamit ang pangalan ng aktor at Ormoc City Mayor Richard Gomez.

Sa social media, naglabas ng sama ng loob ang gurong si Evelyn Teves matapos may mag-deliver ng 15 burger, fries, at soft drinks sa kanilang paaralan.

Nakatanggap daw kasi ng tawag ang fast food at sinabing si Gomez ang kausap nito. 

Mahigit 1 oras naghintay ang delivery boy pero hindi lumitaw ang caller.

Sa awa sa delivery boy, nag-ambagan na lang ang mga guro at binili ang order. 

Inaalam pa ng paaralan kung isa sa kanilang mga estudyante ang nasa likod ng insidente.

Sabi naman ni Gomez, dapat busisiin mabuti ng establisimyento kung lehitimo ang natatanggap na orders.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.