Motorcycle rider patay matapos masagasaan ng oil tanker sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 04:54 PM

Pumailalim at tuluyang nasagasaan ang rider matapos bumangga ang kaniyang motorsiklo sa oil tanker. Larawan mula kay Chan Gabejan

Patay ang isang lalaking sakay ng motorsiklo matapos masagasaan ng oil tanker sa Sitio Banago, Barangay 1-A, Motiong, Samar, Huwebes ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Motiong Police, minamaneho ni Arnel Añano ang kaniyang motorsiklo papuntang Paranas, Samar.

Pagdating sa pakurbadang bahagi ng national highway, isang aso ang bigla umano tumawid kaya nawalan ng kontrol si Añano sa motorsiklo.

Napunta siya sa lane ng oil tanker kung saan bumangga ang kaniyang motorsiklo at nasagasaan ng truck.

Nasa kustodiya na ng Motiong Police ang driver ng oil tanker at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.