Ilang tindahan sa Bulacan nabistong nagbebenta ng mga ilegal na paputok

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 05:27 PM | Updated as of Dec 13 2019 08:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ilang tindahan ng paputok sa Bulacan ang nabuking ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagbebenta ng illegal firecrackers sa operasyon na ikinasa nitong Huwebes.

Sa isang tindahan sa Baliuag, nagkunwaring kostumer ang mga agent ng NBI-Bulacan. 

Bukod sa kwitis, sinubukan nilang bumili ng ipinagbabawal na sawa. Nang matapos ang transaksyon, doon nang nagdeklara ang NBI na isa iyong entrapment operation.

"Ang sabi po kasi sa amin noon legal ang sawa," ani Loida Mercado, tindera.

Huli rin sa pagbebenta ng sawa ang kabilang tindahan. 

Ilang modus ng mga nagtitinda

Paliwanag ng NBI, bagama't legal ang ilang paputok tulad ng sintron ni hudas at triangulo, ilegal naman na ipagkabit-kabit ang mga ito para mabenta bilang isang mas malakas na paputok tulad ng sawa.

"Lumagpas na kasi sa dami ng puwede na pulbura. Eh pinagsama-sama na 'yon, bawal 'yon," paliwanag ni NBI-Bulacan chief Noel Bocaling.

"Kumabaga malalakas na paputok it can lead to serious injury," dagdag pa nito. 

Kinumpiska ang mga naturang paputok at inimbita naman ang mga tindera at may-ari ng tindahan para magpaliwanag. 

Posibleng makansela ang kanilang mga lisensya. 

Abiso ng NBI, sundin ng mga tindahan kung ano lang ang puwede nilang ibenta. 


— Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.