Halos 1,000 special permits para sa mga bus aprubado na ng LTFRB

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 05:34 PM


MAYNILA — Kulang 2 linggo bago ang Pasko, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aprubado na ang 968 special permits para sa mga nag-apply na pampasaherong bus. 

Ito ay para umagapay sa inaasahang buhos ng commuters na uuwi sa kanilang mga probinsiya para doon magdiwang ng Pasko at Bagong Taon. 

Ang 968 public utility buses (PUB) na nabigyan ng special permits ay magsasakay ng mga pasahero na papunta sa Northern Luzon, Southern Luzon, Bicol, Visayas, at Mindanao.

Bilang ng PUBs na bibigyan ng special permit:

  • Northern Luzon → 581 units
  • Southern Luzon → 189 units 
  • Bicol → 127 units
  • Visayas → 48 units
  • Mindanao → 23 units

Papayagan silang bumiyahe mula Disyembre 23, 2019 hanggang Enero 3, 2020.

Ayon kay LTFRB technical division chief Joel Bolano, prayoridad nila ang kaligtasan ng mga pasahero kaya sumailalim sa mahigpit na proseso ng inspeksyon ang mga bus na nag-apply ng special permit.

Kabilang aniya sa tiningnan ang roadworthiness ng mga bus at kahandaan ng kanilang drivers.

Magsasagawa rin ng ocular inspection ang LTFRB sa mga bus terminal at garahe sa ikatlong linggo ng Disyembre.

Ito ay para matiyak na sumusunod sila sa required facility standards tulad ng security protocol, komportableng waiting area, at malinis na palikuran para sa mga pasahero. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.