Grade 5 student na papasok sa eskwela ginahasa, pinatay sa Angeles City

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 11:41 PM

Isang 11-anyos na batang babae ang natagpuang patay sa harap ng isang bahay matapos siyang halayin sa Angeles City, Pampanga nitong Martes .

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, papasok ng eskwela ang biktima nang dalhin ito sa isang pinabayaang bahay at
tinali ang kanyang mga kamay at leeg.

Ang nagreport sa insidente ang nagpakilalang caretaker ng bahay, pero siya rin pala ang primary suspect sa krimen.

“Merong mga witnesses na nag-identify dun mismo sa reportee...at may nakita silang testigo na nagturo sa suspek na reportee mismo turned-out suspect ay may mga duguan na damit,” ani Police Col. Joyce Patrick Sangalang, director ng Angeles City Police Office.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa suspek na si "Loleng", tinanggi muna niya na hinalay niya ang bata, pero umamin din siya sa krimen.

Aniya, natagpuan na lang niya ang bata na walang buhay at dito na niya ito hinalay.

Ayon sa pulisya, dati nang nasangkot sa kasong rape at ilegal na droga ang suspek. Mayroon pa umanong lumang kaso si Loleng laban sa kanya.

"Itutuloy pa rin natin dapat 'yung naunang kaso niya at itong panibagong kaso,” ani Sangalang.

Isa pang suspek sa panghahalay at pamamaslang kay Santos ang nadakip at kakasuhan, kasama ni Loleng, ng murder in relation to RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, habang may isa pa na tinutugis ng pulisya.

“Hindi ka nga nahuli ng pulis pero may nasa taas pa rin naman tayo na, which is, naniniwala kami na makakamtan din namin 'yung hustisya," ayon sa kaanak ng biktima.

Hinihintay pa ang resulta ng medico legal ng biktima para makumpirma ang panggagahasa. - Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.