Bayan sa CamSur, namigay ng relief goods na may contraceptives

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 05:17 PM | Updated as of Dec 12 2019 06:19 PM

MILAOR, Camarines Sur – Nakatanggap ng relief goods na may kasamang contraceptives ang ilang pamilyang apektado ng bagyong Tisoy sa bayan na ito nitong linggo.

Ipinost ng residenteng si Raymart San Jose sa Facebook ang larawan ng kaniyang natanggap na relief goods na may kasamang isang kahon ng condom.

 

“Nabigla ako, pagkabukas ko may isang box. Natuwa kasi nakita ko sa mga pagbibigay ng relief goods ng aming lokal na gobyerno na may pagmamahal sa bayan,” aniya.

Tumanggap ng iba’t ibang reaksyon ang kaniyang post.

Ayon kay Milaor Mayor Anthony Reyes, pangangailangan ang contraceptives kagaya ng condom.

“Kinausap ko si doktora, sabi ko, 'Doc, anong magandang isama sa relief?' 'Tamang-tama, ano anya Mayor, lagyan natin ng condom.' Sabi ko bakit condom? Ang sabi niya sa'kin ang condom, pills sa relief nandiyan 'yan sa Magna Carta of Women at reproductive health law," ani Reyes.

Ayon sa municipal health officer na si Dr. April Romulo, kung ang bagyo ay napaghahandaan, ang pagpapamilya naman ay napagpaplanuhan.

“Ang pagbubuntis napagpaplanuhan, napaghahandaan. Kahit may calamity, nandun pa rin 'yung basic services ng RHU (Rural Health Unit),” aniya.

Bukod sa mga condom, may pills din na ipinamigay sa mga babae.
Nasa kabuuang 460 na pamilya ang nakinabang sa relief goods na may contraceptives.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.