1 patay, 16 sugatan sa salpukan ng bus, truck sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 05:22 PM

MAYNILA — Nagsalpukan noong Miyerkoles ang isang bus at isang delivery truck sa San Pablo City, Laguna, kung saan 1 ang naitalang patay habang 16 naman ang sugatan. 

Ayon sa imbestigasyon ng pulis, binabagtas ng Surigao Transport bus ang Maharlika Highway sa Barangay San Rafael patungong Maynila nang mag-overtake ito sa isang truck.
 
Doon na sumalpok ang bus sa kasalubong na delivery truck.

"Hindi niya nakita 'yung kasalubong kasi medyo malapad din 'yung nasa harapan niya... Saktong pag-overtake niya kinain niya 'yung linya noong opposite lane, saktong mabilis 'yung pagdating ng delivery truck papuntang Quezon," ani Police Lt. Col. Eliseo Bernales, hepe ng San Pablo City police.

Patay ang drayber ng truck na nakilalang si Zaldy Pintor. 

Hindi maitago ng kapatid ni Pintor ang kaniyang galit sa drayber ng bus.

"Sobrang galit ako sa mga ganyang mag-drive. Walang awa, walang habas kala mo kanila 'yung kalsada," sabi ni Leah Pintor-Basa, kapatid ng nasawi. 

Sugatan naman ang 16 na pasahero ng bus.

Tumakas ang drayber ng bus na nakilalang si Osman Basul.

"Sana sumuko ka, kung sino ka man. Oo alam ko aksidente pero hindi mangyayari ang aksidente kung tayo ay marurunong na drayber," ani Pintor-Basa. 

Pinaghahanap na ang drayber ng bus na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injury and damage to property.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.