2 'persons of interest' sa pagdukot sa babae sa Makati: PNP

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2019 05:56 AM | Updated as of Dec 11 2019 07:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Itinuturing na persons of interest sa pagdukot ng babaeng Chinese sa Makati noong Lunes ang 2 lalaking Chinese na nakapangalan sa mga papeles na nalaglag sa lugar kung saan tinangay ang biktima.

Ayon sa pulis, nakakuha rin sila ng lead sa kaso mula sa narekober na bahagi ng van na sinakyan ng mga tumangay.

Hindi lang mga papeles gaya ng deed of sale at mga kopya ng passport at ID ang narekober ng mga pulis mula sa lugar sa Legazpi Village, Makati kung saan isinakay sa van ang 28 anyos na POGO worker na si Zhou Mei noong Lunes ng gabi.

Nalaglag din sa crime scene ang side flare na nasa gilid ng van. May bar code ito na gagamitin ng mga pulis sa pagtunton sa sasakyan. Nakatanggap na sila ng mga lead sa posibleng lokasyon nito.

“Doon sa video kasi, halos hindi mo makita pero 'pag dinahan-dahan mo, talagang may makikita kang nahulog during the commotion doon sa loob," ani Makati City police chief Rogelio Simon.

Kasunod ng paglapit sa mga pulis ng kamag-anak ng isa sa mga lalaking nakapangalan sa napulot na papeles na si Chen Tangbin, nabunyag na asawa pala siya ni Zhou. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakausap na si Chen ng mga pulis bilang isa sa persons of interest sa kaso, pero ayon sa pulis ay may hindi pagtutugma sa kaniyang kuwento sa kanila. 

"Yong kaniyang location no'ng nasaan siya during this time, ano ang ginawa before nangyari and during 'yong certain time kung tinanong namin nasaan siya, mayroon siyang binanggit na oras at lugar at vinerify namin na wala siya doon," ani Simon.

Person of interest din si Zhu Jianwei na ayon sa papeles ay bumili ng sasakyan kay Chen. Nadiskubre naman ng pulis na peke ang address at driver's license nito. Pinaghahanap pa rin siya.

Hindi pa itinuturing na suspek ang 2, pero naging malaking tulong sa pulisya ang mga dokumento. 

Nilinaw ng pulis na hindi talamak sa Makati ang mga kaso ng pagdukot sa mga Chinese. Kung may iniimbestigahan silang ulat ng kidnapping, kadalasan may pinuntahan lang ang nawawalang tao. 

“Marami kaming cases dito na the employer of an online gaming company is nag-file ng qualified theft against sa kanilang employees. Ito 'yong fairly common, but not 'yong abduction or kidnapping na binabanggit natin. So far, ito 'yong case na nagkaroon tayo ng ebidensiya ng abduction between Chinese nationals," ani Simon.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.