Lalaking nanloob ng apartment sa Sampaloc, arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 04:15 AM | Updated as of Dec 10 2019 07:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Naaresto nitong Lunes ang isang binata matapos manloob sa isang apartment sa Barangay 518, Sampaloc, Maynila.

Nakuhanan sa closed-circuit television (CCTV) camera ang 20 anyos na suspek na bitbit ang bag ng biktima na may lamang cellphone at nasa P135,000 cash.

Nakapagpalit pa siya ng damit at naglakad papuntang Maceda St. Doon na siya sumakay ng traysikel patungong Blumentritt Road.

Nagtaka ang ilang nasa lugar nang makitang pinagpapawisan ang suspek kaya tinandaan nila ang mukha ng lalaki. 

Nahuli ng mga pulis ang suspek na residente ng Sta. Cruz.

Aminado siya sa ginawang pagnanakaw at nakuhanan din ng P8,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Nagastos din umano nito ang P11,000 para bumili ng droga.

Robbery at kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa suspek.

Hindi narekober ang ninakaw niyang mga gamit at pera na ayon sa kaniya ay tinangay ng isang grupong nakaaway niya.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.