Lalaki namatay matapos kumain ng 'butete'

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2018 11:47 PM

PAGUDPUD, Ilocos Norte - Patay ang isang 35 taong gulang na lalaki sa Pagudpud, Ilocos Norte matapos kumain umano ng "butete".

Biyernes ng madaling araw nang pumalaot para mangisda ang biktimang si Rizalino Dela Cruz kasama ang 13 taong gulang na anak.

Kasama sa nahuli ng mag-ama ang isang butete. Kinain ng mag-ama ang itlog nito.

Sabado ng madaling araw nang sumama ang pakiramdam ni Dela Cruz.

Namatay ito sa health center ng bayan. Nakaramdam rin ng pagkahilo ang anak nito.

Ayon sa kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), makamandag ang butete. Mas malala rin ang epekto ng lason nito kaysa sa cyanide.

"It carries 'yung tinatawag na tetrotoxin kung saan 'yung substance na 'yun, nakakamatay talaga. Hindi ito recommended for food kasi poisonous," ani Arthur Valente ng BFAR-Ilocos Norte.

Delikadong kainin ang lahat ng lamang loob ng butete. Maaaring kainin ang laman nito pero maari rin itong mahaluan ng ng lason kaya mas mainam kung huwag na lamang itong kainin.

Ayon sa pamilya ni Dela Cruz, dati nang kumakain ng butete ang biktima pero ito ang unang pagkakataon na kinain nito ang itlog.

Noong nakaraang linggo, anim ang na-ospital sa bayan ng Magsingal, Ilocos Sur dahil din sa pagkain ng butete.

Payo ng mga eksperto, agad na magpakonsulta sa doktor kapag nakaramdam ng pagkahilo o pamamanhid matapos kumain ng butete.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.