Magsasaka patay sa pamamaril sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2019 04:17 PM

Patay ang isang magsasaka matapos umanong barilin ng kaniyang pinsan sa Zamboanga City noong gabi ng Linggo, ayon sa pulisya.

Ayon kay Police Maj. Chester Natividad, hepe ng Zamboanga City Police Station 4, binaril sa likod si Jhony Elloreg, 45, habang pauwi ito galing sa bukirin.

Sinundan umano ng asawa ni Elloreg ang narinig na putok ng baril at natagpuan ang duguang katawan ng asawa niya na nakabulagta sa daan.

Nakita raw ng asawa ni Elloreg ang suspek, na tinukoy niya bilang pinsan ng biktima.

Sa follow-up operation, naaresto ng mga awtoridad ang suspek, na itinanggi ang paratang na pagpatay sa biktima.

Nanligaw umano ang suspek sa misis ni Elloreg, ayon kay Natividad.

Nagbitaw umano ang suspek ng pahayag sa misis na hindi siya magiging asawa nito sakaling mabiyuda ito.

Itinanggi rin ng suspek na nanligaw siya sa asawa ng pinsan.

Nahaharap sa kasong murder ang suspek. -- Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.