17 Chinese, 6 Vietnamese na ibinubugaw umano nasagip sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2019 03:41 PM | Updated as of Dec 07 2019 07:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

SAN FERNANDO, Pampanga — Aabot sa higit 20 banyagang babae ang nasagip ng mga pulis dito mula sa mga hinihinalang prostitution den.

Ikinasa ang operasyon matapos ang isinagawang surveillance ng Anti-Trafficking Task Group ng Police Regional Office (PRO) 3, kung saan nakumpirma nilang inilalako ang mga babae sa mga kostumer. 

Martes nangyari ang unang operasyon sa isang bahay sa San Fernando, at doon nasagip ang 8 Chinese at 6 na Vietnamese na babae. Arestado doon ang 2 Chinese na tumatayo umanong bugaw.

Sa follow-up operation noong Biyernes sa katabing bahay, 9 na babaeng Chinese pa ang na-rescue. Isa sa mga ito ay buntis pa. 

Na-recover ng mga pulis sa ikalawang bahay ang kahon-kahong condom, mga passport, ID, at P10,000 na pinaniniwalaang transaction money.

Hinaing ng isa sa mga babae, hindi nila inakalang ibubugaw sila pagdating sa Pilipinas.

"They said vacation only," aniya.

Ayon sa Pampanga police, mga dayuhan lang din ang inaakit na kostumer ng grupo.

"Nagke-cater sila para lang sa foreigners, gumagamit sila ng website, 'yung WeChat, kung saan doon lang sila nakikipag-ano ng transaction, para ma-confirm kung sila ang magiging kliyente," ani Police Col. Rhoderick Armamento, deputy regional director for operations ng PRO-3. 

Iniimbestigahan na ngayon ng mga pulis ang may-ari ng bahay na inupahan ng mga dayuhan.

Nasampahan na ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act ang mga umano'y bugaw na Chinese.


—Ulat ni John Mark Guda, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.