Umano'y miyembro ng NPA, patay sa engkuwentro sa Agusan del Norte

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 01:20 AM

BUTUAN CITY - Isang hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang namatay sa engkuwentro laban sa militar sa Sitio San Jose, Barangay Durian, Las Nieves, Agusan del Norte nitong Miyerkoles ng umaga.

Napasok ng tropa ng 23rd Infantry Battalion ng Philippine Army ang kampo ng mga rebelde.

Nakatanggap ng impormasyon ang militar, dahilan upang puntahan ang lugar at doon nila nakaengkuwentro ang mahigit kumulang 40 na umano'y mga miyembro ng NPA sa ilalim ng GF4A, North Central Mindanao Regional Command (NCMRC) sa pamumuno ng isang Eddie Mangubat alias "Weds."

Tumagal ng 15 minuto ang bakbakan. Natagpuan sa lugar ang bangkay ng isang miyembro ng NPA, kabilang na ang 1 AK-47 rifle, 2 M-16 rifle, 4 na laptop, 1 generator, 21 backpacks, 2 sako ng bigas, suplay ng pagkain, mga gamot, mga dokumento, at iba pang personal na gamit.

Nai-turn over na sa barangay council ng lugar ang bangkay ng namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.