Tricycle driver na umalalay sa matandang babae sa pagtawid, hinangaan

Hernani Escullar Jr., ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 10:09 AM

Bumaba sa kaniyang minamanehong tricycle si Ireneo Villanueva para tulungang makatawid sa kabilang kalsada ang isang matandang babae. Larawan hango mula sa video na naipost sa Federation Fire Facebook page

ILOILO CITY – Isang tricycle driver ang hinangaan sa ginagawang pagtulong sa isang matandang babae na makatawid sa kalsada noong nakaraang linggo.

Sa kuha ng video ng isang netizen, makikitang tumigil sa gitna ng De Leon Street sa Iloilo City ang tricycle driver na si Ireneo Villanueva, 33-anyos, para itawid sa kabilang kalsada ang matandang babae.

Ang naturang video ay naipost sa Facebook page ng Federation Fire na naishare din sa Fire Alert Metro Manila Group.

Napag-alaman na may 2 taon pa lamang nagtatrabaho bilang tricycle driver si Villanueva. Hindi rin aniya ito unang pagkakataong umalalay sa mga matatanda.

Para sa ina ni Villanueva na si Grace, nagulat siya sa ginawa ng anak. Kahit na sila ay mahirap lang, hindi nawalan ng pusong pagtulong ang anak.

Natuwa rin sa ginawa ni Villanueva and president ng Barangay Monica Blumentritt Senior Citizens’ Organization na si Natidora Espinosa. Masaya siyang malaman na may tao pang tulad ni Villanueva ang hindi nag-aatubiling tumulong lalo na sa mga matatanda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.