Pag-angat ng kalidad ng edukasyon tututukan kasunod ng PISA results: DepEd

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 07:55 PM | Updated as of Dec 04 2019 08:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patuloy na tututukan ng Department of Education (DepEd) kung paano mapabubuti ang kalidad ng edukasyon kasunod ng pagiging kulelat ng mga estudyanteng Pinoy sa math, science at reading comprehension sa isang assessment na nilahukan ng mga mag-aaral mula 79 na bansa.

"Una 'yong curriculum, that is an ongoing thing. Pangalawa, 'yong facilities, learning environment. Pangatlo, 'yong teachers," ani Education Secretary Leonor Briones.

Pinakamababa sa 79 bansa ang nakuhang marka ng mga Pinoy sa reading comprehension o pag-intindi sa binabasa, base sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA).

Kapuwa ikalawa naman sa pinakamababa ang marka ng Pilipinas sa math at science.

Ayon pa sa DepEd, hindi na sila umasa ng milagro dahil mababa ang mga score ng mga estudyante sa National Achievement Test.

Sumali sila sa PISA para umano malaman kung ano ang estado ng edukasyon sa Pilipinas kung ikukumpara sa ibang bansa at pag-aralan kung paano pa ito mapapabuti.

Ang resulta ng assessment ay patunay na kailangang ipagpatuloy ang K to 12 program.

Ang PISA ay pag-aaral na isinagawa ng Organisation for Economic Cooperation and Development (OECD) para makita ang galing ng mga estudyante sa reading, science, at math.

Nasa 600,000 mag-aaral na may edad 15 ang sumailalim sa pagsusulit ng PISA mula Marso hanggang Abril ng nakaraang taon. -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.