Guro nanadyak at nanabunot umano ng estudyante sa Laoag

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 10:16 PM

LAOAG, Ilocos Norte – Isang babaeng guro sa isang paaralan sa Laoag, Ilocos Norte ang inirereklamo matapos manabunot at manadyak umano ng estudyante. 

Ayon sa ama ng biktima, pinagalitan, sinabutan at tinadyakan ng guro sa Shamrock Elementary School ang anak niyang si "Mike."

Itinanggi ito ng guro.

Ayon sa guro, tinawag lang niya at pinagsabihan si Mike sa ginawang pakikipag-away at pananadyak sa kaklase.

Sumang-ayon naman dito ang kaklase na nakaaway ng biktima. Aniya, hindi sinabutan at tinadyakan ng guro si Mike.

Hinawakan lang umano ng guro ang noo ni Mike para tumingin siya habang ito ay kanyang kinakausap.

Pero ayon sa mga opisyal ng paaralan, iimbestigahan ang mga alegasyon laban sa guro. Naiparating na umano ang insidente sa Department of Education (DepEd).

Ayon sa legal officer ng DepEd, naiparating na din ang reklamo
sa regional office nito, na siyang disciplining authority sa mga reklamong may kaugnayan sa mga guro.

“Titignan nila kung may basehan. Kung may prima facie evidence, they will be asking the teacher to explain," ani Rowel Quilala, legal officer ng DepEd-Laoag City.

Paalala ni Quilala, sa ilalim ng kanilang Child Protection Policy, "bawal ang physical, emotional abuse, at maging ang psychological abuse" sa mga bata sa mga paaralan.

Ang sinumang mapatunayang may paglabag ay pwedeng matanggal sa serbisyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.