Mga pulis na nasugatan, namatay sa pagsabog sa Misamis, pinarangalan

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2019 06:13 PM | Updated as of Dec 01 2019 06:14 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Tumanggap ng parangal mula sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na nasawi at nasugatan sa nangyaring pagsabog ng granada sa loob ng Initao College sa Misamis Oriental noong Huwebes.

Pinarangalan ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa si Police Senior Master Sergeant Jason Magno, ang pulis na nasawi sa pagsabog, nang bumisita ito sa burol Linggo ng umaga.

Ibinigay ni Gamboa sa pamilya ni Magno ang Medalya ng Katapangan at cash assistance.

Irerekomenda rin ng PNP kay President Rodrigo Duterte na mabigyan ng medal of valor si Magno bilang pagkilala sa kanyang katapangan.

"It could have been worse kung hindi niya nagawa 'yun so hopefully if that recommendation will be successful I am sure that the President is going to approve it the family will continuously as long as the wife lives receives P75,000 per month at puwedeng pumasok yung kaniyang mga anak sa PNPA without taking the entrance examination," ani Gamboa.

Binisita rin ni Gamboa si Police Senior Master Sargeant Alice Balido na patuloy na nagpapagaling sa isang pribadong ospital sa lungsod.

Ginawaran nya ito ng Medalya ng Sugatang Magiting at binigyan ng cash assistance.

Ayon kay Gamboa, kabilang sa mga layunin ng kaniyang pagbisita ay ipakita sa mga pulis na gawin din kung kinakailangan ang ipinakitang magandang halimbawa ni Balido at Magno sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Pero nagpa-alala parin siya sa mga pulis na sundin ang PNP Operational Procedure sa pagresponde dahil kung may dalang pampasabog dapat ang explosive ordnance disposal (EOD) unit na ang humawak dito at tanging pagkontrol lang sa mga tao sa paligid ang gagawin ng mga pulis.

Sa ganitong paraan, maiiwasang maging madugo ang bawat insidente na kanilang rerespondehan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.