P455-milyong halaga ng 'shabu' nasamsam sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2019 07:29 AM

Kevin Manalo, ABS-CBN News

MAYNILA—Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa P455-milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang apartment sa Las Piñas City, Sabado ng madaling-araw.

Ayon kay Police Lt. Gen. Camilo Cascolan, deputy chief for operations ng Philippine National Police (PNP), may nagsumbong sa kanila na sa apartment sa Manalo St. nakatira ang drug suspek na nahuli nila noong isang araw.

Kinausap ng mga tauhan ng Drug Enforcement Group (DEG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang may-ari ng apartment at pumayag naman ito na iinspeksiyunin.

Natagpuan sa loob ng apartment ang ilang bag na may lamang hinihinalang shabu na may bigat na 67 kilo. Nakalagay ito sa mga packaging ng Chinese tea bags at kape.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.—May ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN news

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.