Mahigpit na seguridad inilatag sa PH Arena para sa SEA Games opening

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2019 05:46 PM | Updated as of Nov 30 2019 07:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagsimula nang magdagsaan ang mga spectator sa Philippine Arena upang matunghayan ang opening ceremonies ng 30th Southeast Asian Games (SEA Games) na gaganapin ngayong Sabado. 

Simula alas-4:30 ng hapon, nasa 25,000 katao na ang nasa loob ng Philippine Arena, ayon sa tantiya ng Philippine National Police.

Kasabay nito, mahigpit na seguridad ang ipinatupad sa mga kalsada at lugar na daraanan ng mga atleta at VIP patungo sa venue, dahilan para sumikip ang trapiko. 

Pero bago pa iyan, matiyagang pumila ang mga Pinoy sa mga itinakdang terminal na maghahatid sa kanila papuntang Philippine Arena, gaya ng Parañaque Integrated Terminal Exchange, 2 malls sa Quezon City, at isang mall sa Pampanga. 

Binuksan ang gate ng Philippine Arena sa publiko mula alas-3 hanggang alas-5 ng hapon. ​

Pagdating sa arena, mahigpit na ipinatupad ang "clear bag" policy para madaling makita ang mga dala ng mga manonood. 

Kinumpiska ang mga bote, malalaking banner, camera stick, tripod, drone, mga paingay, flammable object, malalaking bag, at pagkain. 

"Iyung ibang pabango kasi flammable po eh, parang sa airplane pinagbabawal 'yun. Iniiwasan lang po natin ang mga untoward incidents para maging successful po ang ating Southeast Asian Games," ayon kay Police Maj. Adonis Paul Escamillan ng Quezon City Police District. 

Watch more in iWant or TFC.tv

TRAPIKO 

Tulad naman ng inaasahan, bumagal ang daloy ng trapiko sa Balintawak Toll Plaza ng North Luzon Expressway (NLEX).

Dirediretso naman ang takbo sa mga lane na nakalaan para sa mga SEA Games-stickered vehicles papunta sa Philippine Arena sa Bocaue. 

Nagkaroon din ng salpukan sa pagitan ng 2 bus sakay ang foreign delegates. Pero wala namang malubhang nasugatan sa insidente. 

Dumugo lang ang bibig ng isang delegate pero nagpasya itong dumiretso na lamang sa opening ceremonies. 

Abiso ng NLEX sa publiko na iwasan ang Philippine Arena Interchange at dumiretso na lamang sa Bocaue Interchange kapag hindi dadalo sa opening ceremonies para iwas-trapiko. 

Nakalatag ang mga protocol hanggang sa matapos ang opening ceremonies. 

—Ulat nina Michael Delizo, Ron Gagalac, at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games