Kulturang-Pinoy, world-class talents bumida sa 30th SEA Games opening

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2019 10:04 PM | Updated as of Dec 01 2019 06:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA — Hindi binigo ng organizers ang mga manonood matapos itampok sa 30th Southeast Asian Games (SEA Games) opening ceremony nitong Sabado ang iba't ibang world-class Pinoy talents. 

Sa unang pagkakataon, idinaos ang opening ceremonies ng SEA Games sa isang indoor venue: ang Philippine Arena sa Bulacan. 

Ayon sa organizers, itinuturing nila itong "pinakamalaking" produksyon sa kasaysayan ng SEA Games. 

"Ugat ng Ating Lakas" ang tema ng pambungad na mga sayaw, na sumasalamin sa lakas ng kulturang Pinoy, partikular na ang indigenous cultures, ayon sa playwright na si Floy Quintos. 

Kabilang dito ang ilang sayaw mula sa mga Bagobo, Kalinga, at pre-hispanic Bisayans.

Pinasinayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang opening ceremonies, na hindi napigiling mapaindak sa musika.

PARADA

Watch more in iWant or TFC.tv

Suot ang Barong Tagalog, pumarada ang libo-libong atleta at delegadong Pinoy na lalahok sa higit 500 laro. Muse nila si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.

Tampok din sa opening ceremonies ang "world-class" na tugtugin nina Apl D Ap, Jed Madela, at KZ Tandingan. 

Sinindihan ang SEA Games cauldron ng official torch bearer na sina Sen. Manny Pacquiao at Pinay Boxing champ, Nesthy Petecio. 

Sa pagtatapos ng opening ceremonies, pinailawan ng magarbong fireworks display ang New Clark City. 

Hanggang Disyembre 11 ang SEA Games, na gaganapin sa iba't ibang arena sa Luzon. 

-- May ulat ni Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games