Sunog sumiklab sa paaralan sa Bacolod City

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 11:57 AM

Inaalam pa ng awtoridad kung ano ang pinagmulan ng apoy na sumiklab sa elementary building ng STI West Negros University sa Bacolod City.

Sumiklab ang apoy sa elementary building ng isang unibersidad sa Bacolod City, Biyernes ng umaga.

Agad namang nakarating ang mga bumbero para apulahin ang apoy sa STI West Negros University.

May higit 30 estudyante din ang tinulungan ng rescuers dahil sa pagkahilo dala ng usok.

Ayon sa City Disaster Risk Reduction Management Office, magsasagawa pa sana ng fire drill ang eskuwelahan ngayong araw nang mangyari ang sunog.

Nakatulong din sa maagap na pag-apula sa apoy ang mga nakahandang kagamitan ng paaralan maging ang rescue plan para sa mga estudyante.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, nanggaling sa stock room sa ikalawang palapag ng gusali ang apoy pero inaalam pa kung ano ang pinagmulan nito.

Tinatayang nasa P150,000 ang halaga ng mga kagamitang nilamon ng apoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.