SEA Games traffic plan kasado na sa bisperas ng opening ceremonies

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 09:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Tutulong ang daan-daang traffic enforcers mula sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila para hindi maperwisyo ang mga motorista sa pagdaraos ng 30th Southeast Asian Games (SEA Games) dito sa bansa. 

Mahigit 200 bus ng mga delegado ng SEA Games kasi ang kailangang maitawid ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa EDSA para makarating sila sa Philippine Arena sa Bulacan sa Sabado para sa opening ceremonies ng palaro.

Lahat ng delegado, kailangang makapasok sa Philippine Arena bago mag-alas-5 ng hapon dahil isasara ito ng Presidential Security Group para sa pagdating ng mga VIP mula sa iba't ibang bansa.

Dahil dito, magpapakalat ang Maynila ng 700 traffic enforcers sa rutang dadaanan ng mga convoy, bukod pa sa 40 motorcycle units na ipahihiram nila.

Ang Quezon City naman, 500 enforcer at 6 na motorcycle units ang ipahihiram sa MMDA para makatulong. 

Pati ang Pasay, Muntinlupa, Makati, at San Juan ay magbibigay rin ng force multipliers sa MMDA.

Ang mga manonood nang live at sasakay sa biyahe ng mga bus na mula PITX sa Parañaque, Mall of Asia, Trinoma, Ayala Cloverleaf, at SM Clark, pinapayuhan na dumating nang maaga para umabot bago magsara ang Philippine Arena ng alas-5 ng hapon. 

Seguridad sa opening ceremonies

Ayon sa pulisya, nakalatag na ang seguridad ng opening ceremonies. 

Bawal ang backpack, bottled water o drinks, laser pointer, video camera, drones, mga matutulis na bagay, baril, paputok, mga bagay na lilikha ng ingay tulad ng pito, at iba pa.

Papayagan lang umano nila ang mga transparent na bag o 'yung kita ang laman sa loob.

Hindi naman daw papatayin ang signal ng cellphone sa Philippine Arena pero gagamitin ang mga signal jammer kung kinakailangan.

—Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.