HIV awareness panawagan sa UP Manila Oblation run 2019

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 06:04 PM | Updated as of Nov 29 2019 10:33 PM

Ginanap ang taunang Oblation Run sa University of the Philippines Manila nitong Biyernes, Nobyembre 29, 2019, kung saan mungkahi ang paglaban sa stigma sa mga may sakit na HIV at AIDS. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA — Isang makabuluhang mensahe ang ipinarating ng mga nakilahok sa taunang "Oblation run" na isinagawa sa University of the Philippines Manila nitong Biyernes.

Kahit tanghaling tapat at tirik na tirik ang araw, nag-abang na ang mga nais makasaksi sa taunang tradisyon ng isang fraternity. 

"Nakaabang kami taon-taon para dito," sabi ni Josefina Claudio, estudyante sa pamantasan.

Nang maglabasan na ang mga hubo't hubad na lalaki, nagsimula nang magtilian ang mga manonood, pero pinakalma sila ng organizers na ipinaliwanag ang tema ng Oblation run ngayong taon. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Paul Jimwell Rosales, nais bigyang diin sa Oblation Run ang pagkontra sa stigma sa HIV at AIDS habang patuloy na dumarami ang mga kaso sa bansa.

"We need to fight the stigma ng HIV at AIDS... Importante maging aware tayo na dumadami ang may ganito," ani Rosales.

Labing anim na lalaki ang nakilahok sa Oblation run, na 3 beses umikot sa buong campus. Bitbit nila ang mga placard na may mensaheng iginigiit ang kahalagahan ng HIV testing. 

Isa sa mga naging rekomendasyon ng Alpha Phi Omega Fraternity ay ang paglalagay ng mga HIV testing center sa ilang unibersidad sa bansa, pati na rin ang pamamahagi ng condoms para sa mga estudyante. 

Dekada '70 pa nagsimula ang Oblation run kung saan ginamit nila itong paraan bilang protesta sa rehimeng Marcos.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.