Enforcer na nangikil sa motorista, arestado

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 11:04 AM

Sasampahan ng kasong robbery extortion ang nahuling enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB). Larawan mula sa Sampaloc Police

MAYNILA – Arestado ang isang enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos umanong mangikil sa isang driver sa Sampaloc, Maynila.

Nagsumbong sa Sampaloc Police ang 25-anyos na driver mula Sta. Cruz, Maynila matapos kikilan ng traffic enforcer na nakilalang si Mark Ordinaryo, 22-anyos.

Miyerkoles nang patawan ang driver ng violation na reckless driving habang binabaybay ang Barlin corner Tolentino Street sa Sampaloc.

Pero nang bigyan ng Ordinance Violation Receipt o OVR, humirit umano ang enforcer na bigyan siya ng P4,000 kapalit ng hindi pag-ticket sa driver.

Napansin din ng driver na tampered o gamit na at hindi original copy ang OVR na ibinigay sa kaniya.

Ayon sa suspek, may 6 na buwan pa lamang siya sa MTPB. Nakatakdang kasuhan ang suspek ng kasong robbery extortion.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.