'Bonggang' SEA Games opening ceremony plantsado na: PHISGOC

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 10:14 PM

MAYNILA - Sa bisperas ng opening ceremonies ng ika-30 Southeast Asian Games (SEA Games), halos plantsado na lahat para sa itinuturing na pinakamalaking sporting event sa rehiyon, na idaraos ngayong taon sa Pilipinas. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa Philippine Sea Games Organizational Committee (PHISGOC), dapat asahan ng publiko ang magarbong opening ceremony sa Philippine Arena sa Bulacan sa Sabado.

Ito na ang ika-4 na beses na host country ang Pilipinas. 

Magtatanghal sa SEA Games opening ang mga performer gaya nina Apl De Ap at Lani Misalucha. 

Nakatakda ring dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte na siyang magdedeklara ng opisyal na pagbubukas ng SEA Games.

Magtatagisan sa 56 laro ang 11 bansa na bumubuo ng rehiyon.

Ito rin umano ang pinakamalaking SEA Games na may 530 sporting events na gaganapin sa Subic, Clark, Tarlac, Tagaytay, Batangas, at Metro Manila. 

Target ng Pilipinas na makuha ang 100 gold medal. 

Inaasahan din ang paglahok ng mga Olympian na sina Hidilyn Diaz at EJ Obiena. Lalahok din ang gymnastics world champion na si Carlos Yulo at Asian Games skateboarding gold medalist Margielyn Didal.

Watch more in iWant or TFC.tv

VENUES HANDA NA

Samantala, nakahanda na ang ilang venue na gagamitin sa mga palaro gaya ng Subic Gym, na binigyan ng malawakang upgrade para sa SEA Games. 

Pero inaayos na rin ang platform para sa Muay Thai na gagawin sa Subic Bay Exhibition and Convention Center, maging ang para sa chess na gaganapin sa Subic Bay Travelers Hotel. 

Nailatag na rin ang boardwalk kung saan isasagawa ang triathlon, duathlon, at modern pentathlon. 

Mabibigyan ng libreng ticket ang mga estudyante ng state universities malapit sa Philippine Arena. 

Bukas sa publiko ang mga non-ticketed sports tulad ng lawn ball, golf, squash, floor ball ,at shooting. 

Wala namang free tickets sa mga sold-out na laro gaya ng basketball, volleyball at football. 

Alinsunod ito sa utos ni Duterte na gawing libre ang pagpapanood ng SEA Games, ayon kay PHISGOC chairman Alan Peter Cayetano. 

Hindi bibigyan ng refund ang mga nakabili na ng ticket pero bibigyan sila ng magandang puwesto at libreng pagkain, ayon sa PHISGOC.

'WE'LL DO OUR BEST'

Watch more in iWant or TFC.tv

Aminado naman ang PHISGOC na may ilan pa silang aayusin na mga problema, gaya ng deployment ng volunteers at paglilipat ng mga foreign media papunta sa mga gaming venue. 

"Problems always come up, whether little or small. We are still of course trying to support any problems by the national committee as long as it is within the game's guideline. We will do our best," ani ani PHISGOC Chief Operating Officer Ramon Suzara. 

Tiniyak din ni Suzara na may contingency plan nang inilatag sakaling may events na maaapektuhan ng bagyo. 

Mapapanood ang pormal na pagbubukas ng SEA Games sa ABS-CBN Channel 2. 

-- May ulat nina Bianca Dava, Dyan Castillejo, at Trisha Mostoles, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games